Ano ang mga sintomas ng tubekulosis?

Ang pangkalahatang sintomas ng sakit na TB ay pagkawala ng gana sa pagkain, pagbaba ng timbang, pagkapagod, matinding pagpawis sa gabi, panlalamig o lagnat. Sa mga bata, ang TB ay maaaring lumitaw bilang mabagal na paglaki at pag develop ng katawan.

Ang lokal na sintomas ng sakit na TB ay depende sa kung aling parte ng katawan ang apektado. Ang pinakamahalagang sintomas ng TB sa baga ay ubo na tumatagal na higit sa tatlong linggo. Ang ubo ay maaaring maging mabigat sa dibdib sa paglipas ng panahon. Ang tao ay maaaring umubo ng plema na kulay dilaw, kayumanggi (brown) o may mantsa ng dugo.

Kung ang isang tao ay may TB sa kulani, ang namamagang kulani ay namamaga at lumalaki. Kadalasan ang apektadong kulani ay nasa leeg, ngunit maaari rin itong nasa kilikili o sa singit. Kadalasan ang gayong kulani ay hindi nagiging masakit at ito ay nararamdaman na medyo matigas (firm). Habang lumalala ang sakit, ang kulani ay maaaring maging malambot, mapula at masakit. Ang isang kulani na naging abses ay maaaring pumutok at magkaroon ng nana sa balat.

Aling bahagi ng katawan ang naaapektuhan ng tuberkulosis?

Ang bakterya ng TB ay maaaring magdulot ng pamamaga sa anumang parte ng katawan, ngunit ang kadalasang naaapektuhan ay ang baga. Dalawang-katlo o ⅔ ng mga kaso ng TB ay TB sa baga.

Ang pinaka karaniwang anyo ng TB sa ibang parte ng katawan maliban sa baga ay ang TB ng mga kulani. Ang isang taong may sakit na TB ay maaaring sabay na magkaroon ng TB ng baga at TB sa ibang parte ng katawan.

Gaano kabilis ang paglitaw ang mga sintomas ng sakit na TB, pagkatapos mahawaan ng TB bakterya ang isang tao?

Ito ay nakasalalay sa edad ng tao, sa kanyang immune system o resistensya ng katawan at sa proteksyon galing sa bakuna, para sa maliliit na bata. Ang mga batang wala pang limang taong gulang na hindi nakatanggap ng bakuna na BCG, ay maaaring magkasakit nang mabilis (kahit isang buwan pagkatapos nilang mahawaan ng TB bakterya).

Ang mga nasa hustong gulang na ang immune system o resistensya ng katawan ay normal ay maaaring magkaroon ng mga sintomas sa loob ng anim hanggang labindalawang (6-12) buwan pagkatapos mahawaan ng TB, ngunit maaari ding tumagal ng ilang dekada. Ang bakterya ng TB ay maaaring hindi aktibo (natutulog) sa kanilang katawan (latent TB infection) at ang pagkahawa ay maaaring maging sakit na TB sa kalaunan kapag ang kanilang immune system o resistensya ng katawan ay humina dahil sa pagtanda, sa mga sakit o  sa gamot.

Ang sakit ba na TB sa mga taong nahawaan ng HIV ay katulad ng iba?

Ang mga taong may impeksyon sa HIV ay may mas madalas na TB sa mga lugar maliban sa mga baga kumpara sa mga walang HIV. Kung ang impeksyon sa HIV ay hindi nagamot at ang tao ay may AIDS, ang sakit na TB ay maaaring umunlad nang napakabilis. Ang sakit ay maaaring kumalat sa buong katawan at maging napakalubha.

Paano nakakaapekto ang mga sakit o gamot na nagpapahina sa immune system (o resistensya ng katawan) sa panganib na magkaroon ng sakit na TB?

Ang ilang mga sakit o paggagamot ay maaaring magpahina sa immune system o resistensya ng katawan. Kapag humina ang immune system o resistensya ng katawan ng isang tao, hindi makokontrol ng katawan ng mabuti ang bakterya ng TB.  Kung dumami ang bakterya sa katawan, maaaring magkaroon ng sakit na TB. Dahil dito, mas mataas ang tsansa na magkaroon ng sakit na TB sa mga naturang mga tao.

Ang mga bata o kabataan ba ay mas madaling makakuha ng sakit na TB kaysa sa mga nasa hustong gulang?

Oo. Ang mga sanggol at maliliit na bata ay may mahinang immune system o resistensya ng katawan. Kung sila ay nahawahan ng bakterya ng TB, maaari silang magkasakit nang napakabilis at ang sakit ay maaaring maging banta sa buhay. Gayundin ang mga kabataan na may labinlima hanggang dalawampong taong gulang, ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng sakit na TB kaysa sa mga nasa hustong gulang.