Mas karaniwan ang sakit na TB sa mga grupong may mataas na panganibay kaysa sa pangkahatalang populasyon. Ang mga grupong may mataas na panganib ay maaaring hatiin sa dalawang katergorya:
- mga taong may mas mataas na panganib na ma expose sa TB at mahawaan ng TB at
- mga taong may mas mataas na panganib na magkaroon ng sakit na TB kapag sila ay nahawaan na.
Ang panganib ng pagpasa ng TB ay apektado ng lokasyon at kalubhaan ng sakit na TB, mga katangian ng kapaligiran at ang tagal ng panahon na na-expose ang tao.
Karaniwan ang TB ay ikinakalat ng mga taong may nakakahawang TB sa baga sapagkat sila’y may madaming bakterya ng TB sa kanilang baga. Kapag ang maysakit na tao ay umuubo o nagsasalita, ang bakterya ng TB ay maaaring kumalat sa hangin. Kapag ang ibang tao ay nanatili sa parehong kapaligiran sa loob ng bahay, sila’y exposed sa TB. Maaari silang huminga ng bakterya sa hangin at mahawaan. Mas malamang na mangyari ito kung sila’y mananatili roon nang matagal o madalas.
Mas malamang na maipasa ang TB kung ang silid ay maliit, masikip at walang sapat na bentilasyon. Sa gayong mga kalagayan ang konsentrasyon ng bakterya sa hangin ay maaaring mataas. Halimbawa, mas malamang na maipasa ang sakit sa mga tirahan ng mga taong walang tirahan (homeless) kung saan maraming tao ang natutulog ng magkakatabi sa iisang maliit na kwarto na may mahinang bentilasyon, kaysa sa isang tirahan kung saan dalawa lamang ang magkasama sa isang silid na normal ang laki at kung saan ang mga bintana ay regular na binubuksan.
Ang tuberkulosis ay hindi madaling maipasa. Tanging isang-katlo lamang o ⅓ sa mga na expose sa TB ang nahawahan. Isa lamang sa sampung taong nasa hustong gulang na may normal na immune system o resistensya ng katawan, na nahawahan ng TB ang nagkakaroon ng sakit na TB. Mga kalahati sa kanila ang magkakaroon ng sakit sa loob ng dalawang taon. Magbasa pa tungkol sa pagkahawa.
Ang ilang grupo ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng sakit. Ang ilang kondisyon, mga sakit at mga gamot ay nagpapahina sa immune system o resistensya ng katawan na nagpapataas ng panganib na magkaroon ng sakit na TB. Kasama rito ang: impeksiyon sa HIV, dayabetis, rheumatoid arthritis, malubhang sakit sa bato, leukemia (sakit sa dugo), lymphoma, kanser sa baga, kanser sa ulo at leeg at silicosis (o sakit sa baga na sanhi ng pagkalanghap ng silika).
Sa Finland, ang kasalukuyang mga grupo na may panganib sa TB ay:
- Mga taong may malapit na pakikisalamuha sa mga taong may nakakahawa/ positibong smear ng TB sa baga: mga taong nakatira sa iisang sambahayan, mga kamag-anak at iba pang mga tao (mga katrabaho, mga kaibigan) na matagal na nakasama ang may sakit na tao. Ang maliliit na bata na na-expose sa TB ay may mataas na panganib na magkaroon ng sakit na TB.
- Mga matatanda
- Mga nag-aabuso sa bawal na gamot at alkohol at mga taong nasa laylayan ng lipunan
- Mga imigrante mula sa mga bansa kung saan ang TB ay isang karaniwang sakit
- Ang iba na matagal na o madalas na napunta (nagtatrabaho, nag-aaral o naninirahan) sa isang bansa na karaniwan ang TB
- Mga taong may kondisyon, sakit o gamot na nagpapahina sa immune system o resistensya ng katawan, lalo na ang HIV-infection
- Mga taong na expose sa TB sa trabaho