Pagsubaybay sa mga contact o nakasalamuha – ano ang ibig sabihin nito?

Ang tuberkulosis ay isang mapanganib na nakakahawahang sakit. Hindi ito dapat kumalat. Ang Communicable Diseases Act ay nagtatakda na dapat pigilan ng mga awtoridad sa kalusugan ang pagkalat ng tuberculosis sa populasyon. Ginagawa ito sa pamamagitan ng contact tracing o sa pagsubaybay sa mga nakasalamuha. Ang pagsubaybay sa mga nakasalamuha ay sinisimulan sa ospital at nagpapatuloy sa isang health center. Minomonitor ng mga doktor na responsable sa mga nakakahawang sakit sa munisipalidad at distrito ng ospital ang mga resulta ng pagsubaybay sa mga nakasalamuha at, kung kinakailangan, palalawakin ang mga hakbang.

Ang layunin ng contact tracing o pagsubaybay sa mga nakasalamuha ay upang makilala ang iba pang mga taong may sakit, pati na rin ang mga nahawahan na makikinabang sa paggagamot sa pag-iwas (preventive treatment). Karagdagan pa, kapag nagkasakit ang isang bata o batang nasa hustong gulang, sinusubaybayan ang pinagmulan ng impeksiyon.

Paano ginagawa ang contact tracing o pagsubaybay sa mga nakasalamuha?

Karaniwan, sinisimulan ang contact tracing o pagsusubaybay sa mga nakasalamuha kapag ang isang pasyente ay nasuri na may sakit na TB sa baga.
Ang mga hakbang sa pagsubaybay sa mga nakasalamuha sa TB ay dinisenyo alinsunod sa pagka-nakakahawa ng sakit.

Ang tagal ng panahon ng pagiging nakakahawa ay nakasalalay sa kung gaano katagal ang mga sintomas sa paghinga ng pasyente at kung gaano kalala ang mga pagbabago na natagpuan sa x-ray ng baga. Ang panahon ng pagiging nakakahawa ay maaaring umabot mula sa ilang linggo hanggang sa mahigit isang taon. Ito ay kadalasan mga tatlong buwan.

Ayon sa Communicable Diseases Act (§22), ang taong nagkasakit ay dapat maghayag ng mga pangalan ng mga taong maaaring pinagmulan ng impeksiyon o na maaaring nahawahan. Kakapanayamin ng mga kawani ng kalusugan sa ospital ang pasyente upang malaman kung sino ang maaaring na-expose. Ang kanilang mga pangalan at mga detalye ng pakikipag-ugnayan ay kinokolekta. Ang mga taong na expose ay mga indibidwal na may maraming pakikisalamuha sa pasyente sa panahong siya ay nakahahawa.

  • Mga miyembro ng pamilya at iba pang mga taong nakatira sa parehong sambahayan sa taong may sakit na TB
  • iba pang mga tao at grupo tulad ng mga kaibigan, kamag-anak at mga tao sa trabaho, sa paaralan at sa anumang mga libangan

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangalan ng mga taong ito, ang taong may sakit na TB ay tumutulong panatilihing malusog ang iba. Ang ibinigay na impormasyon ay kumpidensyal. Ang pangalan ng pasyente ay hindi isiniwalat sa mga inanyayahan para sa pagsusuri.

Hindi kailangang suriin ang lahat ng mga na expose. Ang mga miyembro ng pamilya ay laging sinusuri. Para sa iba, ang pangangailangan para sa pagsusuri ng bawat kaso ay tinitingnan depende sa tagal ng pagkaka expose sa loob ng bahay.

Mga taong inanyayahan para sa pagsusuri:

Lagi

  • Ang mga miyembro ng pamilya at iba pang tao na nakatira sa parehong sambahayan sa taong may sakit na TB. Maaaring kabilang din sa mga miyembro ng pamilya ang mga lolo’t lola o iba pang mga mahal sa buhay na may maraming panahon ng pakikisalamuha sa pamilya. Ang mga batang wala pang 7 taong gulang ay susuriin sa lalong madaling panahon. Ang mga batang hindi nabakunahan na may edad na mas mababa sa 5 taon ay may pinakamataas na panganib na magkaroon ng sakit na TB pagkatapos ng pagkahawa. Maaari rin silang magkaroon ng malubhang uri ng tuberculosis.

Bilang karagdagan

  • Kung ang panganib para sa pagkahawa ay mataas, susuriin din ang mga taong hindi bahagi ng pamilya: ang mga taong wala pang 7 taong gulang na na-expose nang hindi bababa sa 8 oras at ang mga taong higit sa 7 taong gulang na na-expose ng hindi bababa sa 40 oras.

Kung mababa ang panganib ng pagkahawa, tanging ang mga batang hindi bahagi ng pamilya na wala pang 7 taong gulang na na-expose ng hindi bababa sa 40 oras ang susuriin.

Ang mga medikal na pamamaraan na isinagawa sa taong may sakit na TB sa panahon ng nakakahawang panahon ay sinisiyasat at ito ay tinatasa kung mayroong isang pangyayari (hal. operasyon) o pamamaraan ng panganib (hal. bronchoscopy, resuscitation, intubation, induced sputum sampling, airway suction, obduction, spirometry at dental treatment) na maglantad sa bakterya ng TB.

Papaano ipinapadala ang impormasyon tungkol sa mga na-expose?

Ang mga pangalan at impormasyon sa pakikipag-ugnayan ng mga taong na-expose ay nakatala sa ospital sa mga form ng contact tracing at ipinapadala sa doktor ng mga nakahahawang sakit sa health center ng lugar ng tirahan. Ang mga taong na-expose sa pinagtratrabahuan ay iniuulat sa parehong paraan sa serbisyong pangkalusugan sa trabaho (occupational health service).

Saan susuriin ang mga na-expose at anong mga pagsusuri ang gagawin?

Ang pag-aayos ng pagsusuri ay magkakaiba sa bawat munisipalidad. Sa pangkalahatan, isang liham ang ipinadala mula sa ospital o health center sa taong na-expose, kasama ang isang questionnaire at ang taong na-expose ay hinihiling na mag-book ng appointment o tawag sa telepono sa health center o serbisyong pangkalusugan sa trabaho (occupational health service).
Ang mga pagsusuri para sa mga nasa hustong gulang ay karaniwang isinasagawa sa isang health center. Ang mga bata na wala pa sa edad ng pag-aaral at mga taong may medikal na kondisyon o umiinom ng gamot na nagpapataas ng panganib na magkaroon ng aktibong sakit sa TB ay sinusuri sa ospital.

Ang lahat ng mga taong na-expose ay gagawan ng X-ray ng baga at bibigyan ng impormasyon tungkol sa TB. Ang karagdagang mga pagsusuri ay aayusin sa lalong madaling panahon para sa mga may mga sintomas ng TB.

Para sa mga taong wala pang 35 taong gulang, isang pagsusuri sa dugo (IGRA, B- TbIFNg) ay isinasagawa dalawang buwan pagkatapos ng huling pagkaka-expose. Makikita sa pagsusuri kung ang katawan ay na-expose sa bakterya ng TB. Sa malusog na mga indibiduwal na na-expose sa TB, ang halagang ≥ 1 IU/ ml ay itinuturing na isang indikasyon na nahawaan ng TB. Ang mga taong ito ay maaaring bigyan ng preventive drug treatment (LTBI treatment) o paggagamot upang maiwasan ang sakit. Hindi mahuhulaan ng pagsusuri kung sino ang magkakaroon ng sakit na TB. Ang pagsusuri at desisyon sa paggamot ay ginagawa sa espesyal na pangangalaga sa ospital.

Bakit hindi ginagawa and IGRA test sa lahat ng taong na-expose?

Ang IGRA test ay isinasagawa sa mga taong naka-iskedyul na makatanggap ng preventive drug treatment o paggagamot upang maiwasan ang sakit.

Hindi inirerekomenda ang preventive drug treatment o paggamot upang maiwasan ang sakit para sa mga taong mahigit sa 35 taong gulang, dahil mas malamang na magkaroon sila ng pamamaga ng atay na nauugnay sa paggagamot kaysa sa mga mas bata. Gayunpaman, ang preventive drug treatment o paggagamot upang maiwasan ang sakit ay ibinibigay kung ang isang taong mahigit sa 35 taong gulang ay may ibang sakit o gamot na nagpapataas ng panganib na ang pagkahawa sa TB ay maging sakit na TB. Sa kasong ito, ang potensyal na pinsala ng paggagamot upang maiwasan ang sakit ay katanggap-tanggap.

Bakit 1.0 ang ginagamit na antas ng resulta ng IGRA test para mabigyan ng gamot para sa LTBI (latent tuberculosis infection o nahawaan ng TB pero wala pang sakit na TB) ang isang taong malusog na na-expose gayong itinuturing ng laboratoryo na positibo ang resulta na 0.35?

Ang isang negatibong resulta ng pag susuri (<0.35) ay maaasahang magsasabing hindi nahawaan ng TB ang isang malusog na taong na-expose. Mas mahirap ipaliwanag ang positibong resulta ng pagsusuri. Nalalaman na ang mga resulta na malapit sa limitasyong halaga na tinalaga ng tagagawa ng pagsusuri ay maaring magbago dahil sa maraming dahilan. Posibleng magkaroon ng mga hindi totoong positibong resulta (false positive). Ipinakikita ng mga pag-aaral na may mas mataas na panganib ng magkaroon ng sakit na TB sa resultang 1.0-4.0.

Sa Finland, isang grupo ng mga eksperto sa TB ang nagrekomenda ng ganitong paraan upang mas tiyak na matukoy na ang paggagamot sa LTBI (latent tuberculosis infection o nahawaan ng TB pero wala pang sakit na TB) ay maibibigay sa mga taong talagang nahawahan ng tuberkulosis at samakatuwid ay makikinabang sa paggagamot. Para sa mga taong may mas mataas na panganib na magkaroon ng sakit na TB (yung may mga sakit o umiinom ng gamot na nagpapahina sa immune system o resistensiya ng katawan), ang cut-off para sa isang positibong resulta ng pagsusuri ay 0.35.

Ano ang paggagamot sa LTBI (o nahawaan ng TB pero wala pang sakit na TB)?

Ang paggagamot ng LTBI (o nahawaan ng TB pero wala pang sakit na TB) ay maaaring magpa-iwas sa pagkakaroon ng sakit na TB sa karamihan ng mga ginagamot. Kasama sa paggagamot ang paggamit ng 1-2 gamot laban sa TB. Ang paggagmot ay karaniwang tumatagal ng 3 buwan (dalawang gamot) o 6-9 buwan (isang gamot).
Ang mga pasiya sa paggagamot ay batay sa indibidwal na pagsusuri at talakayan. Ang paggagamot ay ibinibigay lamang kung ang tao ay payag at may dedikasyon sa paggagamot. Ang desisyon na magbigay ng gamot ay lubhang naiimpluwensyahan ng isang indibidwal na pagtatasa ng panganib ng mga epekto na nauugnay sa paggagamot. Ang paggagamot ay sinisimulan at sinusubaybayan sa pangangalaga ng espesyalista at libre para sa pasyente.

Mag-click dito para magbasa pa tungkol sa leaflet ng impormasyon ng pasyente.

Ang mga follow-up na X-ray ng baga ay inuulit pagkatapos ng isang taon sa mga sumusunod na kaso lamang:

  • ang taong na-expose ay higit sa 35 taong gulang at isang miyembro ng pamilya o nakilahok sa isang mapanganib na procedure
  • isang tao na nasuri na may LTBI (nahawaan ng TB pero wala pang sakit na TB) ngunit sa isa o ibang kadahilanan ay hindi nakatanggap ng paggagamot.

Magkano ang gastos ng mga pagsusuri?

Ang lahat ng mga pagsusuri at paggagamot dahil sa pagkaka expose sa TB ay libre para sa mga tao sa ilalim ng Act on Social and Health Care client fees (Batas sa Mga Bayad ng Kliyente sa Panlipunan at Pangkalusugan). Ang aktwal na gastos ng mga pagbisita sa outpatient, mga pagsusuri at gamot ay humigit-kumulang na € 1,400.

Ano pa ang dapat tandaan ng taong nasubaybayan?

Mahalagang tandaan mo na ikaw ay na-expose sa TB. Sa hinaharap, sabihin sa medikal na kawani na nag-aalaga sa iyo ang tungkol sa sitwasyon. Posible na magkaroon ka ng sakit na TB ilang dekada pagkatapos ng pagkaka-expose. Kontakin ang iyong doktor upang suriin ang posibilidad ng TB kung makaranas ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:

  • matagal na ubo, plema, uhog na tumatagal ng higit sa tatlong linggo,
  • lagnat na di maipaliwanag
  • pagkawala ng gana at hindi sinasadyang pagbaba ng timbang
  • pambihirang pagkapagod
  • hindi normal na pag pagpapawis sa gabi