TB sa mga institusyong pang-edukasyon

Naabisuhan ka na may isang taong may TB sa baga sa iyong institusyong pang-edukasyon. Maaaring nag-aalala ka tungkol sa iyong kalusugan at nagtataka ka kung ikaw ay nahawahan at natatakot na baka ikaw ay magkaroon ng TB.

Una sa lahat, walang dahilan upang mag-panic, dahil ang TB ay hindi madaling maipasa. Mas mababa sa isang-katlo o 1/3 ng mga na- expose ang nahahawahan ng bakterya ng TB. Ang kahalagahan ng pagkaka-expose ay nakasalalay sa kalikasan ng sakit, ang tagal ng pagkaka-expose at ang mga pangyayari. Mag-click dito upang mabasa ang higit pa tungkol sa contact tracing (o pagsubaybay sa mga nakasalamuha).

Sa mga sitwasyon ng maramihang pagkaka- expose tulad nito, ang panganib ng pag-kahawa ay karaniwang medyo mababa, mas mababa kaysa sa mga taong nakatira sa iisang sambahayan.

Ikalawa, isa lamang sa sampung taong nasa hustong gulang na nahawahan (na may normal na immune system or resistensya ng katawan) ang magkakaroon ng sakit na TB. Ang panganib na ang pagkahawa sa TB ay maging aktibong sakit na TB ay pinakamataas sa unang ilang taon pagkatapos ng pagkahawa, ngunit maaaring tumagal ng mga dekada bago magkasakit. Sa mga mag-aaral, ang mga kabataan at mga nasa hustong gulang na ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng sakit kaysa sa mga nakatatanda. Samakatuwid, ang mga mag-aaral na wala pang 35 taong gulang ay sinusuri para sa pagkahawa sa TB sa pamamagitan ng isang pagsusuri sa dugo (IGRA). Ang mga nahawahan ay inaalok ng 3-9 na buwan ng paggagamot upang maiwasan ang LTBI (latent TB infection o nahawaan ng TB pero wala pang sakit na TB).

Ikatlo, susuriin ng mga lokal na awtoridad sa nakahahawang sakit, kasama ang mga opisyal ng institusyon, ang sitwasyon ng pagkaka-expose at ang mga grupo ng mga mag-aaral na na-expose sa TB. Ipagbibigay alam sa mga mag-aaral at kawani na nakikilala bilang na-expose ang insidente at bibigyan sila ng mga tagubilin sa isang info session o sa ibang paraan na itinuturing na angkop ng mga taong may pananagutan. Mangyaring maghintay para sa impormasyon o info session at sundin ang mga tagubilin.

Ikaapat, ang mga insidente ng maramihang pagkaka-expose ay madaling kumalat sa balita at ang mga awtoridad sa nakakahawang sakit ay madalas na kailangang gumawa ng isang pampublikong anunsyo. Huwag mag-udyok ng panic at mag-isip-isip tungkol sa pagkakakilanlan o sakit ng isang pasyenteng may TB sa publiko o sa social media. Walang kasalanan ang sinuman na sila’y may TB o na may TB sa isang institusyong pang-edukasyon.

Ikalima, suportahan ang pasyente sa panahon ng kanilang pag-ospital at pangmatagalang paggagamot. Ang pasyente ay kadalasang nag-papanic, natatakot, nalilito, guilty at nag-aalala tungkol sa posibilidad ng impeksiyon at sakit ng mga matalik na kaibigan at mga kapwa estudyante. Ang pagkakasakit ay malungkot at nakakatakot. Mag-alok ng iyong suporta at pampatibay-loob sa pamamagitan ng telepono, sulat, e-mail o sa pamamagitan ng pagbisita sa tao kapag siya ay sapat nang magaling.

Ikaanim, mapapalakas mo ang iyong immune system (o resistensya ng katawan) sa pamamagitan ng iyong istilo ng buhay. Alagaan mo ang sarili mo. Kumain ng mabuti, mag-ehersisyo, at matulog ng sapat. Itigil ang paninigarilyo at katamtaman lamang ang pag-inom ng alkohol. Iwasan ang stress. Uminom ng bitamina D supplement:  sa mga panahon ng taglamig sa Oktubre hanggang Abril (para sa mga taong may maputing balat) at sa lahat ng panahon (para sa mga taong may maitim na balat).

Ikapito, tandaan ang iyong pagkaka-expose  sa hinaharap, ngunit huwag ma-stress tungkol dito. Makipag-usap sa iyong doktor upang suriin ang posibilidad ng TB kung magkaroon ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:

  • matagal na ubo, plema sa loob ng higit sa tatlong linggo
  • lagnat na di maipaliwanag
  • pagkawala ng gana at hindi sinasadyang pagbaba ng timbang
  • pambihirang pagkapagod
  • hindi normal na pag papawis sa gabi