Masamang epekto ng mga gamot sa TB

Ang mga gamot sa TB ay maaaring magkaroon ng masamang epekto. Kung may hinala ka, ipaalam sa iyong nars o doktor.

Karamihan sa masamang epekto ng mga gamot sa TB ay banayad at mawawala kapag patuloy na ininom ang gamot o maaari itong mabawasan. Sa karaniwan, isa sa sampung tao na tumatanggap ng karaniwang paggamot sa TB ang nagkakaroon ng mas malubhang masamang epekto. Sa gayong mga kaso, maaaring pansamantalang ihinto ang paggamot.

Ang pag-inom ng mga gamot sa TB na sabay sa ilang iba pang gamot ay dapat isaalang-lang. Samakatuwid, mahalagang malaman ng doktor ang lahat ng mga gamot na iyong iniinom (mga gamot para sa diabetes, gamot para maiwasan ang pamumuo ng dugo, mga contraceptives, at iba pa). Sabihin sa iyong doktor kung umiinom ka ng anumang mga herbal na gamot o dietary supplements dahil maaari silang magkaroon ng masamang interaksyon sa mga gamot sa TB.

Ang mga banayad na masamang epekto ng gamot sa TB ay karaniwan at hindi kasiya-siya, ngunit hindi dapat mapigilan ng mga ito ang pagpapatuloy sa paggagamot. Sabihin sa taong responsable para sa iyong paggagamot at susubukan nilang mag hanap ng paraan upang maibsan ang mga ito. Kabilang sa mga banayad na masamang epekto ang:

  • Kulay orange na ihi, laway o luha. Ito ay sanhi ng gamot. Ang mga contact lens ay maaaring mag-iba ang kulay, kaya huwag mag suot nito sa mga panahon na naggagamot ka ng rifampicin.
  • Pamumula at pangangati ng balat kapag naarawan. Ang ilang mga gamot sa TB tulad ng pyrazinamide ay ginagawang sensitibo ang balat sa sikat ng araw. Papayuhan ka ng iyong doktor na gumamit ng suncreen o protektahan ang iyong balat.
  • Maaaring lumala ang tighiyawat dahil sa gamot na isoniazide. Maaari itong gamutin ng mga pampahid para sa tighiyawat
  • Maaaring malagas ng buhok dahil sa gamot na isoniazide. Mawawala ang problemang ito pagkatapos makumpleto ang paggamot.
  • Maaaring magkaroon ng paminsan-minsang pamumula o pangangati ng mukha o anit 2 hanggang 3 oras pagkatapos uminom ng gamot na rifampicine o pyrazinamide. Ang sintomas na ito ay maaaring gamutin ng mga gamot pang-allergy.
  • Paminsan-minsang pamumula ng mukha kasama ng pananakit ng ulo, pagkabog ng dibdib, pagtaas o pag baba ng presyon ng dugo (na maaaring humantong sa pagkahimatay) ay nauugnay sa mga pagkaing naglalaman ng tyramine o histamine na ininum sa panahon ng paggagamot na may isoniazid. Ang simula ng reaksyon ay indibidual. Ang reaksyon ay maiiwasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga sumusunod na pagkain sa panahon ng paggamot sa isoniazid:
    • Keso na matagal ng pinatanda
    • Red wine
    • Tuna
    • Na-preserve na sausage
  • Pagkapagod, hirap sa pag concentrate, pagkamayamutin o bugnutin, pagbabago ng mood. Para sa mga ito, maaaring kailanganin mong makipag-usap sa isang tao at makatanggap ng suporta mula sa mga mahal sa buhay o suporta ng mga kasamahan.
  • Mga karamdaman sa pag tulog. Maaari itong maibsan sa pag-eerhersisyo, pag babawas ng konsumo ng kape at pag-inom ng melatonin.
  • Tuyong bibig. Panatiliin ang kalusugan ng bibig araw-araw, uminom ng sapat na tubig (para sa nasa tamang gulang, hindi bababa sa 1.5 na litro araw-araw). Maaari mong subukan ang mga pamahid para sa tuyong bibig (over the counter sa pharmasya) o basain ang labi ng mantikang ginagamit sa pagluluto o olive oil.
  • Lasa ng metal sa bibig. Ang pagnguya ng xylitol chewing gum o throat lozenges ay maaaring makapawi ang sintomas.

Ang mga malubhang masamang epekto ay bihira ngunit kapag lumitaw ang mga ito, ang gamot na nagdudulot ng problema ay dapat itigil, kahit pansamantala. Makipag-ugnayan kaagad sa taong namamahala sa iyong paggagamot o mga serbisyong pang-emergency kung mapapansin mo ang alinman sa mga sumusunod na sintomas:

  • Pagsusuka at matinding pananakit ng tiyan
  • Ang kulay ng balat o ng mga puting bahagi ng mata ay nagiging dilaw.
    • Ang mga sintomas na ito ay maaaring dahil sa pamamaga ng atay (hepatitis) na dulot ng mga gamot sa TB. Sa panahon ng paggagamot, ang kalagayan ng atay ay regular na sinusubaybayan sa pamamagitan ng mga pagsusuri sa dugo.
  • Lagnat at makating pantal sa balat at paltos ng balat
  • Pamamaga ng gilagid, labi o talukap ng mata at kapos sa paghinga
  • Matinding pananakit ng mga kasukasuan o kalamnan, na pumipigil sa paggalaw.
  • Pagkahilo
  • Ugong sa tenga o pagkasira ng pandinig
  • Pag bawas ng dami ng ihi, nagiging madilim ang kulay ng ihi
  • Paghina ng paningin
  • Kumbolsyon
  • Nakakakita ng mga kakaibang bagay (hallucinations)
  • Pag-iisip ng pagpapakamatay, malakas na pagbabago ng mood

Ang mga masasamang epekto ng mga gamot sa TB ay maaaring maiwasan. Halimbawa, ang gamot na isoniazid ay kadalasang nagiging sanhi ng periperal neuropathy (karamdaman sa mga nerbiyos), na ang mga palatandaan ay pamamanhid, pananakit o pamamanhid ng nga kamay at paa. Ang mga masamang epekto na ito ay pinipigilan ng bitamina B6.

Ang paginom ng alak sa panahon ng paggagamot sa TB ay nagpapataas ng panganib ng hepatitis (pamamaga ng atay). Dahil dito, mahalagang huwag uminom ng alak sa panahon ng paggagamot.