Mga serbisyo sa pangangalang pangkalusugan

Kung ikaw ay naghihinalang mayroon kang TB, mangyaring makipag-ugnayan

  • sa inyong lokal na health center o sentrong pangkalusugan
  • mga serbisyong pagkalusugan sa trabaho o occupational health services
  • mag-aaral: ang health center o sentrong pangkalusugan kung saan ka nakatira o ang mga serbisyong pangkalusugan ng mag-aaral
  • asylum seeker: ang opisina ng nars ng pampublikong kalusugan sa reception center o sa sentro ng tanggapan

Ang health center ay dapat gumawa ng appointment o skedyul para matinginan ka ng isang nars o doktor sa loob ng 1-2 araw, o kung hindi ay bibigyan ka ng tagubilin.

Ang medikal na pag susuri para sa TB ay nag sisimula sa pamamagitan ng pag tatanong tungkol sa iyong mga sintomas at anumang mga kadahilanan na nagdadala ng panganib para sa TB. Tatanungin ka kung mayroon kang kasaysayan ng TB o kung alam mong na na-expose ka sa TB.

Kapag pinaghihinalaan may TB, palaging kinukuha ang x-ray ng baga at ang mga sampol ng plema sy sinusuri para sa pag kakaroon ng Mycobacteria o bakterya ng TB gamit ang pagsusuri ng plema gamit ang mikroscopyo (smear microscopy) at papapatubo ng bakterya (culture).

Eeksaminin ka rin ng isang Doktor.

Ang pangunahing pagsusuring medikal para sa TB sa mga nasa hustong gulang ay karaniwang ginagawa sa isang health center. Depende sa kondisyon ng pasyente at sa likas na katangian ng mga sintomas, ang pag susuri ay maari ding gawin sa isang ospital.

Kung ikaw ay nasuri o lubos na pinaghihinalaang may TB, ikaw ay ipapadala sa ospital sa lalong madaling panahon para sa karadagang pagsusuri at paggagamot. Kung pinaghihinalaan na mayroon kang TB na maaaring kumalat sa iba, kakailanganing ipasok ka kaagad sa ospital (sa loob ng ilang araw). Kung hindi, ang pag pasok sa ospital ay maaaring matagalan.

Ang paggagamot sa TB ay sinisimulan sa ospital at pinapatuloy sa bahay sa ilalim ng pangangasiwa. Bagaman ang health center ang karaniwang may pananagutan sa pagbibigay ng mga gamot sa TB sa pasyente, ang doktor sa ospital ang may pananagutan sa iyong paggamot at siya ang gagawa ng mga pasiya sa buong tagal nito. Ang mga follow-up na pagbisita sa outpatient department ng ospital ay nagaganap buwan-buwan o bawat ikalawang buwan.

Ang pag-dadayagnos ng TB sa mga bata ay isang hamon. Sa sandaling ang isang bata ay may TB, ang kanyang kalagayan ay maaaring mabilis na lumalala. Dahil dito, ang lahat ng mga pagsusuri para sa mga batang wala pang 16 taong gulang ay isinasagawa sa ospital ng mga bata.

Ang mga gamot, pangangalaga sa ospital at mga follow-up na pag bisita na may kaugnayan sa paggagamot sa TB ay libre. Sa panahon ng iyong paggagamot, makakatanggap ka ng suporta at impormasyon mula sa mga kawani na gumagamot sa iyo. Ang social worker ng ospital ay mag bibigay sa iyo ng impormasyon tungkol sa mga isyu sa social security.

Pangunahing medikal na pag susuri

  1. medikal na kasaysayan o history sa pamamagitan ng pakikipanayam
  2. pisikal na eksaminasyon ng doktor
  3. X-ray ng baga
  4. pagsusuri ng sampol ng plema gamit ang mikroscopyo at pagpapatubo ng mycobacteria o bakterya ng TB (culture), at nucleic acid amplification test

Karagdagang pagsusuri (kung kinakailangan)

  • mga pagsusuri sa dugo
  • bronchoscopy o pagsilip sa loob ng baga
  • biopsy o mga sampol ng laman
  • mga sopistikadong medikal na pagsusuri gaya ng computed tomography ng baga o magnetic resonance imaging