Paggagamot sa sakit na TB

Paggagamot sa sakit na TB

Hindi mo kailangang mag-alala, ang TB ay maaaring gamutin at malunasan sa pamamagitan ng gamot, maliban sa mga bihirang eksepsiyon. Gayunman, kailangan mong uminom ng mga gamot nang eksakto ayon sa mga tagubilin ng iyong doktor o nars.

Ang bakterya ng TB ay mabagal dumami. Ang ilan sa mga bakterya ng TB ay maaaring hindi mag hati-hati sa loob ng mahabang panahon. Ngunit ang mga antibiotic ay pinak-epektibo laban sa mga bakteryang naghahati. Bilang karagdagan, maaaring may iilan sa malaking bilang ng mga bakterya ng TB na hindi naapektuhan ng ilan sa mga gamot.

Samakatuwid, ang paggagamot ay sinisimulan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming iba’t ibang gamot ng sabay-sabay. Ito ay isang mas mahusay na paraan ng pagpatay sa lahat ng

bakterya ng TB at pagpigil na maging drug-resistant o lumalaban sa gamot ang mga ito.

Ang pinakakaraniwang gamot na ginagamit sa paggamot sa TB ay

  • rifampicin
  • isoniazid
  • pyrazinamide
  • ethambutol

gamot sa tuberkulosis

Mahaba ang panahong kailangan upang mapuksa ang lahat ng bakterya ng TB. Ang paggagamot sa TB ay tumatagal ng hindi bababa sa anim na buwan, kadalasan ay mas matagal pa. Karaniwang apat na magkakaibang gamot ang ibinigay sa unang dalawang buwan, pagkatapos nito ay magpapatuloy ang paggagamot gamit ang dalawang gamot.

Karaniwang bubuti ang pakiramdam mo pagtakatapos ng ilang linggo ng paggagamot. Gayunpaman, mayroon pa ring mga buhay na bacterya ng TB sa iyong katawan. Kahit na wala ka ng mga  sintomas, mahalagang ipagpatuloy ang pag-inom ng mga gamot hanggang sa masugpo ang lahat bakterya.

Ang paggagamot sa TB ay sinisimulan sa ospital. Ang iyong doktor ay responsable sa indibidwal na pagpaplano ng paggagamot, ang pagpili at dosis ng mga gamot at ang tagal ng paggagamot. Maaari mong tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga partikular na detalye ng iyong paggagamot.

Direktang obserbasyon sa paggagamot (directly observed treatment)

Ang gamot sa TB ay ibinibigay sa ilalim ng obserbasyon.

Ang pagobserba sa paggagamot ay tinatawag na DOT (directly observed treatmen o direktang obserbahan sa paggagamot). Sa ilang mga kaso ang paggagamot ay maaari ring obserbahan sa pamamagitan ng video. Ito ay tinatawag na video observed treatment (VOT). Ito ay ipinatupad upang ang pasyente ay magrekord ng kanilang sarili na umiinom ng mga gamot gamit ang isang smartphone at ipinapadala ang mga video clip sa nars para matingnan.

Ikaw ay may karapatan sa suporta at patnubay mula sa mga kawani sa buong panahon ng iyong paggagamot. Dahil sa haba ng paggagamot mo at sa dami ng gamot, maaaring maging hamon ang regular na pag-inom ng mga gamot sa TB araw-araw. Ang layunin ng obserbasyon sa paggagamot ay tulungan kang uminom ng gamot ng regular at tulungan kang gumaling sa lalong madaling panahon.

Ang gamot ay iniinom habang inoobserbahan ng isang nars o iba pang kwalipikadong manggawa ang paglunok ang bawat dosis. Kasabay nito, susubaybayan nila ang masamang epekto ng gamot pati na rin ang iyong kondisyon, at sasagutin ang mga tanong na maaaring mayroon ka. Para sa maliliit na bata, maaaring magbigay ng gamot ang mga magulang sa ilalim ng pangasiwa ng isang propesyonal.

Ang doktor na namamahala sa paggagamot ang magpapasiya kung kailan sisimulan, babaguhin at matatapos and obserbasyon sa paggagamot. Sa ospital, oobserbahan ka ng isang nars na iniinom ang iyong mga gamot. Bago ka umuwi, pagkakasunduan ninyo kung paano mo tatanggapin ang iyong mga gamot pagkatapos mong lumabas sa ospital.  Ang pag-inom ng gamot ay maaaring gawin sa outpatient department ng ospital, sa isang health station, sa isang health station sa trabaho, sa paaralan, o para sa mga naghahanap ng asylum, sa reception center. Kung kailangan ito ng iyong kalagayan, maaaring pangasiwaan ng isang nars ang paggamot sa iyong tahanan o sa ibang lugar kung saan ka nakatira. Ang paggagamot ay oobserbahan ng lima hanggang pitong araw sa isang linggo depende sa iyong sitwasyon. Ang paraan ng pagsasa-ayos ng obserbasyon ng paggamot ay nag-iiba depende sa munisipalidad.

Ang pag-hinto mo ng gamot sa TB o hindi pag-inom ng ilan sa mga gamot paminsan-minsan ay maaaring mapanganib. Dadami ang bakterya ng TB at tatagal ang iyong sakit. Ang bakterya ng TB ay maaari ding magkaroon ng resistensiya o lumaban sa mga gamot na ginagamit sa paggamot sa iyo. Maaaring kailanganin mong uminom ng mga bagong gamot, kung ang mga dating gamot ay hindi na epektibo. Ang mga bagong gamot ay kailangang inumim ng mas mahabang panahon at karaniwang nagiging sanhi ito ng mas maraming masamang epekto.

Mapupuksa lamang ang bakterya ng TB sa pamamagitan ng regular na pag-inom ng mga gamot sa TB

  • Gagaling ang TB kung umiinom ka ng mga gamot ayon sa mga tagubilin
  • Huwag baguhin o ihinto ang paggagamot
  • Ipagpatuloy ang pag-inom ng mga gamot kahit na bumuti ang pakiramdam mo
  • Ang paggagamot ay nag-aalis ng panganib ng panghahawa.

Pagsubaybay sa paggagamot

Ang iyong paggaling ay maingat na susubaybayan sa outpatient clinic ng ospital tuwing 1- 2 buwan sa panahon ng iyong paggagamot. Ang mga follow-up na pagbisita ay kadalasang kinabibilangan ng isang X-ray ng baga, mga pagsusuri ng dugo at sampol ng plema. Magkakaroon ka rin ng pagkakataon na magtanong sa doktor.